PMA KUMBINSIDONG GUILTY
SI GMA
Ni Rey Marfil
--------------------------------------------------------------------------------
Tulad ng mga nakararaming mamamayang Filipino,
kumbinsido rin umano ang mga miyembro ng Philippine Military
Academy (PMA) na ‘guilty’ si Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo sa lahat ng ibinibintang dito partikular
na ang pandaraya noong nakaraang eleksyon gaya ng nilalaman
ng Hello Garci tape.
Sa kanyang paglutang kahapon sa Senado,
ibinisto ni Gen. Francisco Gudani, assistant superintendent
ng PMA, sa harap ng mga senador na totoo ang nilalaman ng
Hello Garci tape at nagkaroon ng special operation ang Malacañang
kung saan nagpadeliber pa si First Gentleman Mike Arroyo
ng kalahating bilyong piso upang tiyaking mananalo ang kanyang
esposa.
Nang tanungin ni Sen. Juan Ponce Enrile
kung ano ang saloobin ng mga kadete ng PMA sa Garci scandal,
sinabi ni Gudani na dismayado ang mga kadete kay Pangulong
Arroyo.
"Iyong mga cadets believe that the
President is guilty" pagkumpirma ni Gudani nang tanungin
ni Sen. Enrile kung ano ang saloobin ng mga kadete sa Hello
Garci tape, maging ang pagkakabasura sa impeachment complaint.
Bagama’t tanging senior class ang
nakakapagbasa ng diyaryo at nakakapanood ng telebisyon sa
PMA, nalalaman ng mga kadete, ayon kay Gudani kung anong
nangyayari sa gobyerno at naniniwala ang mga itong totoong
nandaya ang Pangulo noong nakaraang eleksyon.
Sa kasagsagan ng public hearing, inulan
umano ng mga text messages si Gudani mula sa hanay ng mga
junior officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP)
at mga kaklase sa PMA na pawang nagpapahayag ng suporta
sa ginagawa nitong matapang na pagbubulgar ng katotohanan.
Kinumpirma ni Sen. Panfilo Lacson na kamuntikan
pang maiyak si Gudani sa text messages na natanggap kung
saan sinaluduhan at pinapurihan ang paglantad sa publiko.
Bago humarap sa Senado, nakaranas ng matinding
pressure si Gudani para pigilan ang kanyang pagdalo sa Senado
mula sa pinakamataas na opisyal ng Malacañang, AFP
at maging sa pamunuan ng PMA na kinabibilangan nito.
"I’m saddened to inform you
that there were high government official who tried to intervene
through the chain of command in order to prevent me from
appearing in this committee," pagbubunyag ni Gudani.
Kinumpirmang lahat ni Col. Alexander Balutan,
dating Ground Commander ng Lanao Task Force at kasalukuyang
assistant commandant ng PMA, ang testimonya ni Gudani, partikular
ang nilalaman ng "Hello Garci tape".
Ilan sa nakakatulig na bombang pinasabog
ni Gudani ang naging papel ni First Gentleman Arroyo sa
dayaan noong eleksyon. Nagpadala umano ng 2 helicopter ng
salapi sa Iligan City si G. Arroyo bago ang 2004 national
election.
Isa umanong impormante ni Gudani ang nakasaksi
sa delivery ng P500 milyon kung saan tig-P250 milyon ang
idineliber ng 2 helicopter subalit tumanggi ang heneral
na tukuyin kung sino ang kanyang impormante sa halip, handa
umano itong humarap sa imbestigasyon sa takdang panahon.
Habang nagsasalita sa Senado sina Gudani
at Balutan, agad na nagpulong ang AFP top brass at nagkasundong
alisin sa puwesto ang mga nabanggit na opisyal at isailalim
sa court martial proceedings.
Kinumpirma ni AFP chief of staff General
Generoso Senga na ini-relieve mula sa kasalukuyang puwesto
sina Gudani at Balutan, kapwa miyembro ng Philippine Marines.
Sinabi ni Senga na isasailalim sa court
martial ang dalawang opisyal dahil sa diumano’y pagsuway
sa kanilang superior officer bunga ng pagpunta sa Senado
nang walang permiso mula sa Chief of Staff at sa Commander
in Chief.
Tinuligsa naman ng mga kongresista ang
hakbang na ito.
"That (action of the AFP), will create
more division and sympathy in the Armed Force of the Philippines,"
pahayag ni Paras.
"Unti-unti nang nadudurog ang pader
ni GMA dahil sa lakas ng ebidensya," ani Parañaque
Rep. Roilo Golez bilang reaksyon sa rebelasyon ni Gudani.
Sinabi naman ni Negros Oriental Rep. Jacinto
Paras, na hindi na kayang hadlangan ni Arroyo ang paglabas
ng mga mabibigat na ebidensya dahil tiyak na lalabas na
ang mga sundalong naghihintay lamang ng tamang panahon na
kumampi sa katotohanan.