IMPEACHMENT PAPATAYIN NINA MENDOZA AT BERROYA

Ni Rey Marfil

--------------------------------------------------------------------------------

Lalo pang lumutang ang pagiging desperado ng mga kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na harangin ang posibleng pag-akyat ng impeachment complaint sa Upper House matapos ilunsad ng Malacañang ang "full court pressure" sa mga kaalyadong nagdadalawang-isip.

Hindi lamang "Oplan: Absent" ang senaryong itinulak ng Malacañang, simula ngayong Lunes hanggang Miyerkules kundi inihalintulad pa sa larong basketball ang opensibang inilunsad ng kampo ni Arroyo para mapigilan ang pag-akyat ng reklamo sa Upper House.

Kasabay ang pagsanib puwersa ng anti-Gloria, sa ilalim ng Bukluran Para sa Katotohanan upang ilunsad ang malawakang demonstrasyon at anti-Gloria rally, mas matindi pang pressure at pagbabantay ang inilatag ng Malacañang upang tiyaking hindi mapapalusutan sa plenaryo ngayong Lunes hanggang Miyerkules.

Sa report na nakalap ng TONITE, isang linggo nang inilunsad ng Malacañang ang "full court press" sa lahat ng mga kaalyado para masigurong hindi makakakuha ng 79 pirma ang pro-impeachment congressmen, sa pangunguna ng opposition bloc sa Lower House.

UTAK NG PAGBASURA

Ilan lamang sa mga itinuturong nasa likod ng "full court press" na inilunsad ng Malacañang upang masiguro ang pagkabasura ng impeachment complaint ay sina Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Leandro Mendoza, Land Transportation Office (LTO) Undersecretary Reynaldo Berroya at dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Luis Santos.

Si Mendoza, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ang itinuturong nakikipag-usap sa mga alanganing kongresista, partikular ang mga kaalyado ng Malacañang na nagdadalawang-isip kung lalagda sa impeachment complaint.

Habang si Mendoza ang nakikipag-usap sa mga kongresista, umaaktong back-up umano si Berroya para ipakita kung gaano kaseryoso ang administrasyon na patayin ang impeachment complaint sa Lower House at walang mangyayaring double cross.

"Kapag kinakausap iyong isang Congressman ni Larry Mendoza, kasama si Berroya. Siyempre iisa lang ang mensahe niya, huwag silang i-double cross. Talagang full court press banat ng Malacañang," anang source.

Si Santos, naging gabinete ni dating Pangulong Corazon Aquino, ang itinuturo naman na nakikipag-usap sa lahat ng local officials upang makuha ang suporta para kay Arroyo at himukin ang kanilang mga kaibigang kongresista na huwag pumirma sa impeachment complaint.

Napag-alaman pang malapit sa First Family, partikular kay Pangulong Arroyo si Santos at napabalitang nag-oopisina malapit sa tanggapan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa T. M. Kalaw St., Maynila.

Bagama’t walang kumpirmasyon kung tinatakot ang ilang local officials, nadiskubre pang pawang meron umanong nakabinbing kaso sa Office of the Ombudsman ang mga kinakausap ni Santos kung kaya’t hindi maiwasang pagdudahang ito’y bahagi sa kanilang plano para mapilitan na huwag sumama sa anti-Gloria rally.

"Nakakapagtaka lang kasi merong report na next week, eh baka maglabasan ang mga kaso sa Ombudsman ng ibang mayor na sumusuporta sa Gloria resign. Tapos merong mga ganyang pagkilos," anang source.

Samantala, sinang-ayunan ni Senate minority floor leader Aquilino "Nene" Pimentel Jr. ang nangyayari umanong aregluhan sa hanay ng mga kongresista upang mapigilan ng Malacañang ang pag-akyat ng impeachment complaint sa Upper House.

Maliban sa pork barrel, mas mabibigat ang cold cash na inaalok umano ng Malacañang sa bawat kongresista, kapalit ang pagbawi ng pirma o tuluyang pananahimik sa Lower House. Hindi pa kabilang dito aniya ang pagtalaga sa mga kamag-anak sa gobyerno.

"The President is resorting to all kinds of immoral inducement to the Congressmen from cold cash and multimillion peso pork barrel projects to appointments of their relatives to juicy government post, in total disregard of her pledge to answer all charges against he in an impeachment trial accordance with constitutional due process."

BATASAN BANTAY-SARADO

Humigit-kumulang 2,000 pulis ang itatalaga ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ngayong araw sa paligid ng Batasan Complex.

Ito ay bahagi pa rin ng paghahanda ng PNP upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa mga isinasagawang rally ng mga pro-impeachment groups.

Ngayong araw itinakda ng House committee on justice ang botohan para sa inihaing impeachment complaint kaya’t inaasahan na ng NCRPO ang pagdagsa ng mga militanteng grupo na gigil nang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Arroyo.

Alas-sais kagabi nang itaas ng kapulisan ang full alert status sa buong Metro Manila. At bagama’t ipatutupad ang maximum tolerance para sa mga raliyista, sinabi ni NCRPO Deputy Director General Vidal Querol na hindi umano nila papayagan ang mga protesters na makalapit sa main gate ng Kongreso. Kanila umanong ipatutupad ang 100-meter "neutral zone". (With Vladi Eduarte)


All Rights Reserved to the Office of Congressman Roilo Golez 2005