GARCI PINATAKAS NG GOBYERNO
Nina BERNARD TAGUINOD at REY MARFIL
--------------------------------------------------------------------------------
Naniniwala si Parañaque Rep. Roilo
Golez na tinulungan ng gobyerno si dating Commission on
Elections (Comelec) Commissioner Virgilio Garcillano sa
pagtakas nito palabas ng bansa upang maiwasang ikanta ang
nalalaman nito na tiyak umanong magdudulot ng matinding
epekto sa presidency ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi rin ni Golez na "guilty"
si Garcillano kaya tinakasan nito ang responsibilidad na
sabihin sa bayan ang katotohanang naganap noong nakaraang
eleksyon.
Bilang dating National Security Adviser,
kumbinsido si Golez na may kinalaman ang gobyerno sa pagtakas
ni Garcillano dahil wala itong kapasidad na tumakas mag-isa.
"The government is apparently scared
to let him (Garcillano) face a congressional inquiry because
he might spill the beans and fatally wound the President.
If the President and Garci had nothing to hide, it would
be so easy for the government to produce him. Guilty talaga
si Garci," ani Golez.
Kaugnay nito, isang impormante ng TONITE
sa Senado ang nagsabing nagkaroon ng sabwatan sa pagtakas
ni Garcillano mula opisina ng Department of Transportation
and Communication (DOTC), Department of Public Works and
Highways (DPWH) hanggang Department of Justice (DOJ).
Ipinahayag pa ng impormante na ang may-ari
ng Subic Air, eroplanong sinakyan ni Garcillano patungong
Singapore noong Hulyo 14, ay malapit na kaibigan ni Mrs.
Arroyo.
Kapatid umano ng may-ari ng Subic Air ang
kongresista ng Palawan at kaalyado ng administrasyon na
si Rep. Antonio Alvarez, miyembro ng Kabalikat ng Malayang
Pilipino (KAMPI) na partido ni Pangulong Arroyo.
Samantala, naniniwala naman si Sen. Panfilo
Lacson na konektado sa "Mike tape" ang kumpirmasyong
inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kinaroroonan
ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner
Virgilio Garcilano para pagtakpan ang kapalpakan ng Malacañang.
Sinabi ni Lacson na bago inilabas ng opisina
ni DFA Secretary Alberto Romulo ang impormasyon tungkol
kay Garcillano, unang minatyagan ang magiging epekto ng
press conference ni Department of Environment and Natural
Resource (DENR) Secretary Mike Defensor.
Dahil pumalpak ang "Mike tape"
matapos pumalpak ang `tape expert’ ni Defensor na
si Jonathan Tiongco, naghanap umano ng ibang isyung maaaring
ipantakip ang palasyo kaya’t pinalutang ng DFA ang
impormasyon sa pagtakas ni Garcillano.
"Babalikan natin ang chain of events.
Bago nag-confirm ang DFA, inabangan muna na ilabas ni Mike
Defensor ang kanyang authentication (sa Garci tape). At
kung sakaling maganda ang (naging) resulta ng press conference
ni Defensor siguro hindi na lang nila ikikibo si Garci,"
ani Lacson.
Nalalaman ng opisina ni Romulo, ayon kay
Lacson, kung saan matatagpuan si Garcillano at kung kailan
ito umalis ng Pilipinas subalit itinago ng mahabang panahon
at hinintay ang magiging resulta ng press conference ni
Defensor.