TAPE EXPERT NI DEFENSOR PINAGTAWANAN

Nina BERNARD TAGUINOD, REY MARFIL at GRACE VELASCO

--------------------------------------------------------------------------------

Hindi naiwasang pagtawanan ng ilang miyembro ng Senado ang iprinisintang ‘audio expert’ ni Department of Environment and Natural Resource (DENR) Secretary Mike Defensor kahapon nang magharap ito ng ebidensyang magpapatunay na umano’y dinoktor ang Hello Garci tapes.

Sa halip mapikon dahil pinalilitaw ni Defensor na pineke o dinoktor ng oposisyon ang "Hello Garci tape", natawa lamang sina Sens. Panfilo "Ping" Lacson at Senate minority floor leader Aquilino "Nene" Pimentel Jr., sa ipinakilalang "audio expert" na si Jonathan Tiongco.

Nagtataka si Lacson kung bakit pinatulan ni Defensor si Tiongco gayong minsan na itong tinanggihan ng Senado na tumayong oppositor sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) dahil sa pagdududang may problema ito sa pag-iisip.

"Ang ginamit ni Sec. Defensor ang local so-called audio experts. One of them, you saw him during the confirmation hearings of Sec. (Angelo) Reyes. He was one of the oppositors and his character was assailed by the senator members of the CA, particularly Sen. (Juan Ponce) Enrile," ani Lacson.

"Kung natatandaan ninyo ang word na ginamit during the confirmation hearings, "may sayad." One of those who was present at the press conference of Sec. Defensor," dagdag pa ni Lacson.

Bukod kay Sec. Reyes, huling nakabanggaan ni Tiongco si Sen. Richard Gordon matapos pagbawalan itong humarap sa CA hearing bunga ng alegasyong kaduda-duda ang pagkatao, maging ang kaisipan nito.

Nagalit si Tiongco kay Gordon matapos ibuking ng senador sa Senado ang 10 kasong kinakaharap nito, kabilang ang multiple attempted murder, frustrated murder, carnapping, swindling/estafa, homicide, grave threat, paglabag sa anti-bouncing check law, dalawang kaso ng illegal possession of firearms at paglabag sa gun ban ng Commission on Elections (Comelec).

DOJ SECRETARY DUDA RIN

Maging si Justice Secretary Raul Gonzalez na isa sa nangungunang tagapagtanggol ni Pangulong Arroyo ay hindi rin naiwasang magpahayag ng pagdududa sa katauhan ni Tiongco.

Ayon kay Gonzalez, dalawang beses nang nagtungo sa kanyang tanggapan sa DOJ si Tiongco at nagpiprisintang tumulong sa pag-iimbestiga sa Hello Garci tapes subalit hindi niya ito binigyan ng kaukulang pansin at sa halip ay pinaiwan na lamang ang mga dokumento at tape na dala nito subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin niya nasisilip ang mga ito.

Sinabi ni Gonzalez na nagkaroon siya ng pagdududa sa katauhan ni Tiongco nang malaman nitong tumestigo ito laban kay DILG Secretary Angelo Reyes at dahil alam din niya ang ilang detalye sa family background nito subalit tumanggi na siyang sabihin ang mga ito.

"He (Tiongco) can be dangerous but if he is telling the truth and if what he is doing can serve the purpose, never mind the source," ani Gonzalez.

Ipinahiwatig pa ni Gonzalez na bagama’t naging maingat si Defensor sa kanyang presentasyon, posibleng hindi nito naisaalang-alang ang ilang mga bagay na dapat isipin sa pagpili ng mga testigo at mga ebidensya.

"Sec. Defensor is not a lawyer. Our perception of evidence may be different," pahayag ni Gonzalez.

MIKE TAPE DI TATANGGAPIN

Samantala, tila masasayang lamang ang mahigit P200,000 ginastos ni Defensor para sa authentication ng "Hello Garci" tapes dahil hindi ito tatanggapin ng House information committee na nag-imbestiga sa Gloriagate scandal.

Ayon kay Cavite Rep. Gilbert Remulla, chairman ng komite, walang ibinigay na awtorisasyon kay Defensor ang 5 komite na nag-iimbestiga sa Garci tapes kaya hindi nila matatanggap bilang ebidensya ang authenticity report nito.

Ayon kay Remulla, hindi nila binigyan ng kopya ng tape si Defensor at wala silang awtorisasyon na ipasuri ito, tulad ng ginawa ng kalihim nang dalhin nito ang kopya ng Hello Garci tape sa US forensic expert na si Barry Dickey.

Dahil dito, mistulang nasayang ang $3500 ni Defensor na ayon na rin sa kalihim ay mula mismo sa sarili niyang bulsa.

COVER-UP TAPE?

Sa panig ni Parañaque Rep. Roilo Golez, wala sa panahon ang pag-eksena ni Defensor kaya posibleng bahagi lamang ito ng cover-up na sinimulan ni Press Secretary Ignacio Bunye.

"Mike Defensor’s story on his tape authentication project is too late in the day and therefore dubious and incredible and could be part of the grand cover-up that started with Bunye’s infamous tale of two tapes," ayon kay Golez.

Inilarawan naman ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon si Defensor bilang "too late the hero" dahil saka lamang nito naisipang ipa-authenticate ang tapes at pinili lamang ang mga parteng gusto nito, kung kailan natapos na ang imbestigasyon sa Hello Garci tape.

PANANABOTAHE SA IMPEACHMENT

Itinuturing din nina Lacson at Pimentel na isang uri ng pananabotahe sa impeachment na kinakaharap ni Arroyo ang paghaharap ni Defensor ng ‘ebidensya’ laban sa Garci tapes.

"Well the announcement of Sec. Defensor falls in line exactly with the lies the administration is peddling to cover up for misdeeds of the President," ani Pimentel.

Ani Pimentel, malinaw ang pag-amin ni Atty. Allan Paguia na kanyang pinakialaman o in-edit ang tape kaya’t napakalaking kalokohan ang ginawang pagpapasuri ni Defensor sa Paguia version ng Garci tapes.

"They are trying to stretch the tape even further to its irrational conclusion and the process make the people parang tanga. We are supposed to believe that kind of explanation," ani Pimentel.

Sinabi naman ni Lacson na kung orihinal at hindi splice ang tape na ipina-authenticate ni Defensor, katulad ng kanyang ipinasuri sa Uniquest sa Australia na nagsabing hindi dinoktor o peke ang Hello Garci tapes, hindi aniya maliligaw ang gabinete, maging si Mrs. Arroyo.

"Eh in-splice nila eh. Mag-submit ka ng basura, sasabihin ng nag-authenticate, basura ito. Garbage in, garbage out," ani Lacson

Maging ang oposisyon sa Kamara ay naniniwalang bahagi ng planong "Operation: Patay Impeachment" ang pag-eksena ni Defensor.

Ayon kay Impeachment spokesman Allan Peter Cayetano ng Taguig-Pateros, maliban sa plano ng mga kaalyado ni Arroyo na dalhin sa Korte Suprema ang impeachment case at sa motion to strike na ihinain ni Atty. Pedro Ferrer para maibasura ang amended complaint sa impeachment, kumikilos ang mga alipores ni Arroyo sa labas ng Kongreso upang pagdudahan ng publiko ang impeachment complaint.

"Bumabalik sila sa tape kasi they think they can create doubt," ani Cayetano.

Tinawag ni Cayetano bilang ESP o Evidence Suppression Program ang ginawang ito ni Defensor na ang layunin ay patayin ang impeachment case laban kay Arroyo.

BAGONG HAMON KAY GMA

Kaugnay nito, kahapon ay naglabas muli ng isang kasulatan ang oposisyon na nilagdaan na ng kanilang mga miyembro ng Voluntary Truth Test kung saan, isang kasunduan na sabay sina Cayetano at Defensor na ipa-authenticate sa US o kaya sa ibang bansa ang Garci tapes.

Sa ginawang kasunduan, handa ang oposisyon na magbitiw sa puwesto at magpaalila kay Arroyo kung mapapatunayang peke ang Garci tapes subalit kailangang magbitiw din aniya sina Defensor at Arroyo kapag napatunayang authentic ang tapes.

"Madame President, kung naniniwala pa po kayo kay Mike Defensor, pirmahan n’yo po ito (ang kasunduan)," hamon pa ng grupo.

Handa naman si Lacson na pangunahan ang pagpapaurong sa impeachment complaint laban kay Arroyo kapag napatunayang dinoktor ng oposisyon ang "Hello Garci tape".

Kung mapapatunayan naman na genuine ang Garci tapes ng oposisyon sa pagsusuri ng US expert na kanilang napagkasunduan, hinamon ni Lacson si Defensor na agarang palayasin sa Malacañang si Gng. Arroyo.

"If we submit similar tapes, both to Uniquest and Barry Dickey, they should have the same finding. I challenge him if Mr. Dickey would come up with the same findings as Uniquest, then can he ask the president to resign or step down," paghahamon ni Lacson kay Defensor.


All Rights Reserved to the Office of Congressman Roilo Golez 2005