GLORIA NAPAHAMAK SA MIKE TAPE

Nina BERNARD TAGUINOD at BOYET JADULCO

--------------------------------------------------------------------------------

Sa halip na makatulong, lalo pa umanong napahamak si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa authentication report na iprinisinta ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Mike Defensor na muli na namang nagpainit sa isyu ng Hello Garci tape.

"Salamat Mike," ito ang nagkakaisang reaksyon nina Iloilo Rep. Rolex Suplico at Negros Oriental Rep. Jacinto Paras dahil muli na naman anilang mabubuksan ang "Hello Garci" issue na unti-unti na sanang nakakalimutan ng publiko.

Ayon kay Suplico, muling binalikan ng mga tao ang isyu sa Hello Garci scandal dahil sa ginawa ni Defensor at posibleng pagmulan muli ito ng panibagong imbestigasyon na lalong magbabaon kay Arroyo sa problema.

Sa panig ni Paras, sinabi nito na lalong pinahina ni Defensor ang laban ni Ar-royo dahil ang ipina-au-thenticate nitong tape ay hindi galing sa 5 komite sa Kamara na nag-imbestiga sa nasabing eskandalo.

"Bukod sa binalikan `yung issue, lalo pa tuloy napahamak si GMA dahil kailangan nilang patulan `yung hamon namin at kung hindi, lalo lamang iisipin ng mga tao na talagang humingi ng dagdag," komento naman ni Paras.

Maging ang mga kaalyado rin ni Arroyo sa Kamara tulad ni Surigao del Norte Rep. Prospero Pichay Jr., ay aminadong nagkamali si Defensor sa kanyang naging hakbang.

Tulad ng oposisyon, sinabi ni Pichay na hindi pabor kay Arroyo ang ginawa ni Defensor dahil malamang na magkakaroon na naman ng imbestigasyon sa nasabing tape gayung naghahanda na ang mga komiteng nag-imbestiga rito para maglabas ng report.

Hindi nagkamali si Pichay dahil hihilingin ni Parañaque Rep. Roilo Golez sa joint committee na pinamumunuan ni Cavite Rep. Gilbert Remulla na i-convene ang committee investigation sa Hello Garci scandal upang imbestigahan ang kalihim.

"I dare him (Defensor) to appear before the five-committee joint hearing. I will recommend we convene so we can eat him alive there," pahayag ni Golez sa TONITE.

Ayaw palampasin ni Golez ang ginawa ni Defensor dahil ininsulto umano nito ang talino ng sambayanan para lamang maproteksyu-nan ang among si Arroyo.

"Defensor has no personality to initiate authentication. The DENR secretary is one of the most biased persons on earth," dagdag pa ni Golez.

Mike nag-sorry

Samantala, matapos mabisto na may problema sa kredibilidad ang iniharap na tape expert na si Jonathan Tiongco at nang pumalag pa ang ilang inimbitahang dayuhang sound expert, humingi ng paumanhin kahapon si Defensor sa aniya’y nangyaring kalituhan.

Kasabay nito, nag-sorry si Defensor sa pumalag na sound engineer na si Jimmy Sarthou na nagsabing hindi niya alam na ihaharap sila ng opisyal sa isang press conference kamakalawa.

Inihihingi ng paumanhin ni Defensor ang aniya’y nangyaring hindi pagkakaunawaan sa nakarating na imbitasyon kay Sarthou. Posible umanong hindi lamang naunawaan ni Sarthou ang kanyang imbitasyon. Aniya pa, wala siyang niloko o minanipulang tao sa nabanggit na presscon.

Gayunpaman, patuloy na naninindigan si Defensor sa inilabas niyang pruweba sa aniya’y spliced o dinoktor na ‘Hello, Garci’ tape dahil hindi naman matatawaran ang kredibilidad at track record ng kanyang ‘alas’ na si Barry Dickey, isang kilalang US forensic expert.

Hindi pinalawig ni Defensor ang isyu hinggil sa kredibilidad ng kanyang local tape expert na si Tiongco.

Subalit para kay Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño, lumalabas na mas desperado pa si Defensor kaysa kay Arroyo dahil pinatulan maging ang mga taong walang kredibilidad tulad ni Tiongco.

"Si Mike ang nagoyo ni Tiongco sa sobrang despe-rasyon na depensahan ang kanyang boss. Baka bukas pati sina Ador Mawanay at Madam Auring ipatestigo niya," kantiyaw ni Casiño.

Tiongco ipasok sa mental -- Jinggoy

Tahasan namang inirekomenda ni Sen. Jinggoy Estrada kahapon na ipasok na sa mental hospital si Tiongco kaalinsabay ng pagtanggi na nakausap niya ang ‘testigo’ upang planuhin ang pagsira sa administrasyong Arroyo.

Ayon sa senador, minsan lamang niya nakausap si Tiongco at ito’y noong tinangka nitong humingi ng pera kapalit ng pagtestigo sa Commission on Appoint-ments (CA) upang harangin ang kumpirmasyon ni DILG Secretary Angelo Reyes.

Ani Estrada, kahit masama ang loob ng kanyang pamilya kay Reyes, hindi siya kumagat ng hinihingi ni Tiongco. "Itong taong ito (Tiongco) is not credible. I think he has to be confined in the mental hospital," ani Estrada.


All Rights Reserved to the Office of Congressman Roilo Golez 2005