NAGKALOKOHAN NA SA IMPEACHMENT!

Nina BERNARD TAGUINOD at REY MARFIL


--------------------------------------------------------------------------------

Hindi lamang ang oposisyon kundi pati mismong dating kaalyado ng Malacañang ang hayagang nagsabing nagkakalokohan na lamang sa Kamara sa tinatakbo ng impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon kay Parañaque Rep. Roilo Golez, dating kakampi ni Arroyo, nililito at niloloko na ng mga administration congressmen ang mga tao sa pamamagitan ng pilit na pagbaluktot sa batas tulad ng patuloy na paggigiit ng mayorya na isang kaso lamang ang maaaring isampa sa isang impeachable official.

Ganito rin ang ipinagsisintir ni House minority leader Francis "Chiz" Escudero kaya lalo aniyang tumatagal ang proseso na posibleng taktika ng mayorya para hindi na maipakita sa publiko ang mga hawak nilang ebidensya.

Maging si San Juan Rep. Ronaldo Zamora ay dismayado dahil ipinipilit umano ng mga kaalyado ni Arroyo na baguhin ang batas para lamang maisalba ang pangulo sa impeachment case.

Hindi lamang umano mga kongresista ang pinipilit ang kamay sa Kamara sa pamamagitan ng pressure na kanilang natatanggap mula sa Malacanang kundi binabaluktot na rin ang batas para mailigtas lamang si Pangulong Arroyo.

"Puwedeng maraming impeachment complaint pero isang proceedings lamang ang sinasabi ng batas. Nililito at niloloko na ang mga tao," pahayag ni Paranaque Rep. Roilo Golez matapos maubos ang oras ng House committee on justice kahapon sa debate sa prejudicial question na tulad ng nabanggit.

Sa paliwanag naman ni Zamora, malinaw aniya ang batas "pero ayaw itong tingnang mabuti ng mga kasamahan natin dito. Pero sana makita nila sa bandang huli."

Para naman kay Negros Occidental Rep. Jacinto Paras, mismong ang mga kaalyado ni Arroyo sa Kamara na ang nag-aabogado na sa kanya para baluktutin ang batas at iligtas siya sa kapakahaman.

"It appears (that somes members of the House) lawyering the accused instead of finding probable cause," ani Paras kaya sa halip na makita ang katotohanan ay pilit itong itinatago sa pamamagitan ng mga ihinaing mga prejudicial questions.

Subalit kung mga kaalyado ni Arroyo ang tatanungin, inaabuso lamang umano ng oposisyon ang batas dahil pilit na isinasama ang inihabol na reklamo sa impeachment complaint na ihinain ni Atty. Oliver Lozano.

"Mahirap bang intindihin yun. Hindi ba sobra sa isa (ang complaint)? Abuso na yan. Tatlo ang complaint!," ani Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte habang isinigaw naman ni Bacolod Rep. Monico Puentevella na hindi na dapat igiit ng oposisyon ang kanilang gusto sa halip ay sundin na lamang ang batas.

Sa Senado, mismong ang kaalyado ni Arroyo na si Sen. Joker Arroyo ay dismayado sa ipinakikitang pagiging ‘bias’ ng kanilang mga kasamahan sa Kamara patunay ang paglikha ng palusot at teknikalidad upang hindi maipasok ang amended com-plaint ng oposisyon.

Ayon kay Sen. Arroyo, kung anu-anong teknikalidad ang inuurirat ng mga kam-pon ni House Speaker Jose De Venecia Jr., gayong simpleng amendment lamang ang kahilingan ng minority bloc.

Inupakan din ni Sen. Arroyo ang pagsangkalan ni De Venecia sa kapangyarihan nito upang hadlangan ang impeachment complaint laban kay Mrs. Arroyo, kapalit ang pagtutulak sa charter change (chacha).

Aniya, napakalakas ng loob ni De Venecia na ipagmalaking may sapat na puwersa ang majority bloc ng Kamara para ibasura ang impeachment complaint at minamaliit ang oposisyon subalit halatang takot itong pagbigyan ang minorya.

"Bakit natatakot si De Venecia, eh mananalo naman sila. Hayaan nilang ipasok ang amendment ng minority, eh sinasabi naman ni De Venecia na mas marami sila," ani Arroyo.

Samantala, maging ang kaalyado ng administrasyon na Nacionalista Party (NP) nina Sen. Manuel Villar ay nagpakita ng pagdistansya sa impeachment proceedings.

Ayon kay Villar, konsensiya ang batayan sa magiging posisyon ng kanilang partido kaya’t hindi niya ikagugulat kung mayroon pang ibang kasamahan sa Lower House na lumagda sa impeachment tulad ng ginawa ni Cavite Rep. Gilbert Remulla.

"Ako ay humahanga sa ginawa ni Gilbert Remulla at talaga naman highly inde-pendent ang mga batang iyan at talagang magagaling. Kung ano ang kanilang gus-tong gawin, kung gusto nilang pumirma ay susuportahan sila ng partido" ani Villar.


All Rights Reserved to the Office of Congressman Roilo Golez 2005