MILYONES SA GARCI ESCAPE
Nina BERNARD TAGUINOD at REY MARFIL
--------------------------------------------------------------------------------
Hindi barya kundi milyun-milyong piso ang
umano’y isinuka ng gobyerno mapatakas lamang si dating
Commission on Elections (Comelec) Commissioner Virgilio
Garcillano.
Ito ang pagtatayang ginawa ni Parañaque
Rep. Roilo Golez kahapon dahil hindi biro ang magpatakas
ng isang high-profile individual tulad ni Garcillano kung
walang milyones at walang pagsasabwatan.
"Ang ganyang operasyon ay super hush-hush.
Milyones ang kailangan at powerful intermediaries ang kailangan,"
pahayag ni Golez na dating National Security Council (NSC)
Adviser.
Dahil imposibleng walang alam ang Malacañang
sa operasyong ito, aniya, malamang na sila rin ang gumastos
sa tinaguriang "Great Garci Escape" at kung saan
nagmula ang pera ay dapat umanong alamin ng taumbayan.
Ipinaliwanag ni Golez na organisado ang
pagpapatakas kay Garcillano dahil nakaalis ito ng bansa
nang may exit pass ang kanyang pasaporte dahil kung walang
tatak ito ay hindi siya makakapasok sa Singapore.
Hindi rin, aniya, biro ang ginastos kung
isinakay si Garcillano sa isang pribadong jet kaya nakarating
ito sa Singapore.
Gayunpaman, hindi na nagtaka si Golez na
gastusan ng gobyerno si Garcillano dahil kung hindi ito
gagawin ay kakanta ito at tiyak na babagsak si Pangulong
Gloria Macapagal-Arroyo.
Garci pinagtatakpan ng DFA
Kasabay ang alegasyong ‘high conspiracy’
ang pagtakas ni Garcillano, niresbakan ni Senate minority
leader Aquilino Pimentel Jr. ang tanggapan ni Department
of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alberto Romulo at sinabing
nagpapagamit ito para pagtakpan si Pangulong Arroyo.
Hindi nagustuhan ni Pimentel ang naging
katugunan ng kanang-kamay ni Romulo na si DFA Spokesman
Gilberto Asuque na hindi makakansela ang pasaporte ni Garcillano
dahil wala itong pending criminal case.
"The DFA offered an alibi not legal
reasons to cancel Garcillano’s passport," buwelta
ni Pimentel.
Aniya pa, malinaw ang paglabag sa batas
ni Garcillano subalit patuloy na nagmamatigas ang opisina
ni Romulo na huwag kanselahin ang pasaporte ng dating Comelec
official kahit kinumpirma ng pamahalaang Singapore ang pagdating
sa kanilang bansa.
Kung makakansela ang pasaporte ni Garcillano,
madali itong maibabalik ng Pilipinas dahil awtomatikong
ipapatapon ng alinmang bansang puntahan nito, ayon kay Pimentel,
at magkakaroon ng linaw ang Hello Garci scandal.
"The cancellation of the passport
was intended to make Garcillano a person without travel
papers and technically a stateless person, that would make
it easy for authorities in his country of destination to
track down and effect his apprehension and deportation to
the Philippines," ani Pimentel.
Great conspiracy kakalkalin
Samantala, dahil nakaalis ng bansa si Garcillano
nang hindi natutunugan ng mga awtoridad, nagpasya kahapon
ang House committee on information at apat pang komite na
nag-imbestiga sa "Hello Garci" scandal na muling
magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Cavite Rep. Gilbert Remulla, chairman
ng nasabing komite, pinadalhan na nila ng imbitasyon ang
pamunuan ng Bureau of Immigration and Deportation (BID),
Air Transportation Office (ATO), Aviation and Security Commission
(AVESCOM), Subic Air at NAIA.
Sinabi ni Remulla na maraming dapat ipaliwanag
ang mga nabanggit na tanggapan dahil lumalabas na nagkaroon
ng matinding pagpapabaya sa kanilang tungkulin nang makatakas
si Garcillano na hindi nila nalalaman.