PALASYO IWAS-PUSOY SA HOLIDAY

Nina Bernard Taguinod at Rey Marfil


--------------------------------------------------------------------------------

Sinadyang ideklara ng Malacañang na holiday ang araw na ito upang maiwasang mapusoy si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa tatlong aktibidad na magaganap sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang suspetsa ng pro-impeachment group sa Kamara matapos ituloy ng Malacañang na holiday ang araw na ito pagkatapos bawiin noong Biyernes.

Ayon kina Parañaque Rep. Roilo Golez at Impeachment team spokesman Rep. Allan Peter Cayetano, tatlong mahahalagang aktibidad ang magaganap sana ngayong araw na kinabibilangan ng malakihang rally, ang imbestigasyon sa kaduda-dudang pagtakas ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Virgilio Garcillano, at ang lecture na gagawin ni Fr. Joaquin Bernas hinggil sa mga prejudicial questions na pinagtatalunan sa impeachment proceedings.

Sinabi ni Golez na kinumpirma umano sa kanya na sinadyang ituloy ng Malacañang ang holiday dahil sa takot na magkaroon ng damaging testimonies sa isasagawang pagdinig ng limang komite sa tinaguriang "great Garci escape" na posibleng gigising sa mga kongresistang ayaw pang lumagda sa impeachment complaint.

"My sources told me the reason why Monday was declared as holiday is to preempt the 5-committee hearing on the alleged Garci escape scheduled for Monday. Malacañang was afraid that the hearing might reveal very damaging testimonies that could tilt the balance in the impeachment hearing of the justice committee," ayon kay Golez.

Maliban dito, nakatakda ring mag-lecture si Bernas sana ngayong umaga at dahil eksperto sa batas ang dating delegado ng Constitutional Convention, maaaring natakot ang Malacañang na ang mga sasabihin nito ay gagawing batayan para magbago ang posisyon ng mga anti-impeachment solon.

"Malacañang is afraid Bernas’ view is adverse to their cause and they don’t want those views in newspaper on Tuesday where such views could be decisively quoted by pro-impeachment group in crucial Tuesday hearing of Justice committee," dagdag pa ni Golez.

Sa panig naman ni Cayetano, sinabi nito na maaaring nalaman ng Malacañang ang planong maglulunsad ng malaking rally ang iba’t ibang sektor sa araw na ito kaya napilitan silang magdeklara ng holiday.

Nabatid na bukod sa mga militanteng grupo, sasabayan ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang rally na gagawin sa Batasan Pambansa na bahagi ng krusadang bantayan ang impeachment proceeding sa Kamara.

Para kay Cayetano, malaking epekto sa Malacañang ang mga aktibidades na ito at posibleng mapusoy si Arroyo kaya napilitan ang mga itong ituloy ang pagdedeklara bilang holiday ang Lunes na kanilang binawi noong Biyernes.

Samantala, ipinahayag ni Senate minority floor leader Aquilino Pimentel Jr. na kahit magtagumpay ang Malacañang na harangin ang impeachment complaint sa pamamagitan ng pamimili ng boto ng mga kongresista, wala na ring patutunguhan ang gobyerno ni Pangulong Arroyo dahil mapupuwersang magbitiw sa puwesto ito.

Ayon kay Pimentel, lalo pang pinapahirapan ni Arroyo ang kanyang sarili kundi haharap sa impeachment court dahil patuloy ang kawalang tiwala ng publiko sa liderato kung maibabasura ang reklamo sa Kongreso.

Lantad sa kaalaman ng publiko kung paano hinaharang at binibili ni Arroyo ang bawat pirma ng mga kongresista, ayon kay Pimentel kung kaya’t hindi kakagatin o tatangapin ng taumbayan ang magiging resulta nito.

"Mrs. Arroyo’s problem over lack of credibility and lack of public support will persist if the charges of wrongdoing leveled against here are not resolved before the impeachment court, leaving her no choice but to step down," ani Pimentel.


All Rights Reserved to the Office of Congressman Roilo Golez 2005