Vote buying talamak sa
impeachment
(RMarfil/BTaguinod)
--------------------------------------------------------------------------------
Matinding bentahan ng boto sa "kill
impeachment" ang inilunsad ng kampo ni Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo.
Ito ang ipinahayag kahapon ni Senate minority
floor leader Aquilino "Nene" Pimentel Jr. kasunod
ang pagbanggit sa naganap na pagbaliktad ni AVE Partylist
Rep. Eulogio Magsaysay at pagbawi ng lagda sa impeachment
complaint.
Hindi maiwasang pagdudahan ni Pimentel
ang pagbaliktad ni Magsaysay dahil ito pa umano ang unang
nagbulgar sa ginagawang panunuhol sa kanya ng Malacañang,
kabilang ang P500 libong cash, P5 milyong pork barrel at
karagdagang upuan sa party-list organization na kinakatawan,
kapalit ng pagbasura sa impeachment complaint.
Sa hindi inaasahang pangyayari, mismong
si Magsaysay pa, ayon kay Pimentel, ang kauna-unahang bumaliktad
at bumawi ng kanyang pirma gayong makailang-beses pa itong
nagpa-presscon upang ibisto ang panunuhol ng Malacañang.
"There is neither rhyme nor reason
behind Magsaysay’s turnaround, especially considering
that he was the one who blew the whistle," ani Pimentel.
Kahit sariling kamag-anak -- si Sen. Ramon
Magsaysay Jr., inamin ang natikmang pressure ng kanyang
pinsan sa kamay ng Malacañang, kaakibat ang alegasyong
naipit ang kongresista kaya’t binawi ang pirma.
Sa kabilang banda, ayaw paniwalaan ni Sen.
Magsaysay ang senaryong ‘nagkabilihan’ kaya
binawi ng kanyang pinsan ang pirma bagama’t inamin
nitong nalagay sa balag ng alanganin ang kanilang angkan
dahil sa pangyayaring ito.
Samantala, hanggang kahapon ay nakapako
pa rin sa 46 ang lumantad na endorsers sa impeachment subalit
ayon kay Parañaque Rep. Roilo Golez, may isang bloke
ng kongresista na lalagda na sa susunod na linggo.
"Masaya ang grupo (pro-impeachment).
We expect blocks of congressmen joining us soon," pahayag
ni Golez.
Kinumpirma ito ni House minority leader
Francis "Chiz" Escudero na nagpakita ng kakaibang
sigla kahapon sampu ng mga kasamahan sa minorya.
"Madadagdagan na kami," masayang
sabi ni Escudero.