IMPEACH GLORIA 8 PIRMA
NA LANG!
Ni BERNARD TAGUINOD
--------------------------------------------------------------------------------
Walong boto na lamang ang kailangan ng
Impeachment Team sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para
malitis na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Senado.
Ito ang napag-alaman sa isang impormante
sa Kamara kaugnay ng bilang ng mga kongresistang nagsusulong
sa impeachment case laban kay Arroyo.
Ayon sa impormasyong nakalap ng TONITE,
bukod sa orihinal na 42 endorsers, mayroon pang 15 itinatagong
boto ang Impeachment Team matapos madagdagan ng lima ang
bilang ng mga kongresista mula sa administration bloc na
unang ihinayag ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na nangakong
pipirma.
Bukod dito ang pitong minority congressmen,
ayon sa source, ang naghihintay na lamang na makabuo ng
72 lagda ang kanilang mga kasamahan bago sila lumagda.
Sa kasalukuyan, hindi pa lumalagda bilang
endorser ng impeachment ang pitong mambabatas na ito na
kinabibilangan nina Caloocan Reps. Luis Asistio at Oscar
Malapitan, Laguna Rep. Benjamin Agarao, Partido ng Manggagawa
party-list Rep. Renato Magtubo at 3 pa dahil sa paniniwalang
"pekeng presidente" si Arroyo.
Nabatid pa na anumang araw mula ngayon
ay lalagda na rin ang pito sa walong miyembro ng Nacionalista
Party (NP) sa impeachment case kaya kung susumahin, ayon
pa sa source, ay walong pirma na lamang ang kailangan upang
magtuluy-tuloy na ang impeachment proceeding laban kay Arroyo.
Samantala, sa pulong ng House committee
on justice na pinamumunuan ni Maguindanao Rep. Simeon Datumanong,
napagkasunduan na sisimulan na ang imbestigasyon sa tatlong
kaso laban kay Arroyo simula Agosto 10.
Ayon kay Datumanong, dalawang beses sa
kada linggo magsasagawa ng imbestigasyon ang komite subalit
aalamin muna kung mayroong form and substance ang isinampang
kaso.
Kaugnay nito, tila naisahan naman ang oposisyon
nang payagan ng mayorya na i-adopt ang rules of impeachment
na ginamit noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada
dahil lalabas na hindi maipapasok ang amended complaint
na pinagpagurang buuin ng grupo ni House minority leader
Francis "Chiz" Escudero.
Ayon kina House majority leader Prospero
Nograles at Ilocos Norte Rep. Salacnib Baterina, sa rules
of impeachment na ginamit kay Estrada, hindi pinapayagan
ang amended complaint kaya tanging ang unang kasong isinampa
ni Atty. Oliver Lozano na walang kaakibat na ebidensya lamang
ang didinggin.
Lumalabas na pangatlong reklamo lamang
ang isinampang kaso nina Escudero at dahil hindi pinapayagan
ang amended complaint, malamang na mabalewala lamang ito.
Gayunpaman, nagbabala ang oposisyon na
kapag hindi pinayagan ng mayorya na ipasok ang amended complaint,
mahaharap sa matinding problema si Pangulong Arroyo.
"Any attempt to subvert the rules
of impeachment would provoke the wrath of the people and
severe turbulence," babala ni Parañaque Rep.
Roilo Golez.
Iba naman ang paniniwala ng grupo ni Escudero
dahil tiwala ang mga itong maipasok ang kanilang amended
complaint kahit anong gagawing pagharang ng mga alipores
ni Arroyo.